Ang hulagway ay isang Cebuanong salita na nagmula sa 'hulad' na nangangahulugang 'paglalarawan' at 'dagway' na ang ibig sabihin ay 'hitsura'. Mas madalas ang ginagamit na Tagalog dito ay nagmula naman sa salitang Espanyol na 'imahen'. Sa literatura, ito ay ang pagsasalarawan ng panukalang kaisipan o damdamin sa isang akda; o ang larawang ikinintal, lalo na sa tula; o ang larawan b'lang talinghaga. Samakatwid, sa aklat na ito makikita ang hitsura o imahen ng buhay na nabigyan ng buo at malinaw na pagsasalarawan sa pamamagitan ng mga salitang maingat na pinili ng sumulat. Inilalarawan dito ang ibang kilalang emosyon, positibo man o negatibo tulad ng pagkagiliw, pagkamangha, lungkot, at panghihinayang. May pagpapahayag ng pagmamahal hindi lamang sa isang nililiyag kundi maging sa bansa, wika, at kalikasan. May pagbabalik-tanaw sa nakalipas, may pagkilala sa kahalagahan ng isang guro at paglalarawan ng kasipagan, mayroon ding pagpapayo at higit sa lahat, pagpapahayag ng wagas na Pananampalataya. Sa kabuuan, ang "Hulagway" ay isang aklat ng malayang paglalarawan ng buhay.
Hulagway - Dust Jacket
Chris Opena Orcuse