top of page

Bakit Nga Ba Mas Dapat Mong Piliin ang Tradisyonal na Paglathala


Isa ka ba sa libo-libong manunulat na nangangarap na mahawakan bilang isang ganap na libro ang mga gawa mong nobela? Hindi mo ba alam ang susunod na hakbang pagkatapos mong isulat ang isang istorya? Huwag mag-alala sapagkat dito mo malalaman ang mga bagay-bagay na makatutulong sa iyo bilang manunulat. Narito ang ilan sa mga dahilan kung bakit mas angkop para sa iyo ang tradisyonal na paglathala ng iyong manuskrito.

Una, wala kang dapat bayaran. Ang iyong manuskrito lang ang kailangan sa tradisyonal na paglathala. Kompanya na ang bahala sa kaukulang bayad dala ng pag-edit, pagdisenyo, at paglimbag ng iyong isinulat hanggang sa ito ay maging ganap na libro. Hindi nagtatapos doon, sila rin ang magtaguyod upang ipaalam sa nakararami na mayroon ka ng isang libro. Bukod doon, tatanggap ka rin ng bayad sa kada librong bibilhin ng mga mambabasa. Ito ang tinatawag na ‘book royalty’ kung saan may pito hanggang sa dalawampung porsiyento kang matatangap mula sa halaga ng isang pirasong libro. Nakadepende ang kabuuang halaga o porsiyento na iyong matatangap sa kompanyang naglathala ng iyong libro.

Ikalawa, nasa mabuting mga kamay ang iyong manuskrito. Kukuha ang kompanya ng mga taong batikan o propesyonal sa kalakaran ng paglathala upang itama ang mga mali na nasa iyong istorya, na posibleng nakaligtaan mo. Mayroon ding gagawa ng grapika upang idisenyo sa panlabas na takip ng isinulat mong libro. Mayroon ding aayos sa magiging porma nito upang mas makakaakit at makakumbinsi nang maraming mambabasa na dapat nilang bilhin ang iyong libro.

Panghuli, mas malaki ang posibilidad na ikaw ay maging kilala sa larangan ng pagsusulat. Kapag nalaman ng mga mambabasa na ang iyong libro ay inilathala sa tradisyonal na pamamaraan, maiisip kaagad nilang ito ay maganda at karapat-dapat na bilhin sapagkat nakapasa sa masusing pagbusisi ng isang kompanya. Hindi mo lang basta inilathala ang iyong manuskrito kundi ipinasuri mo pa nang maigi upang ito ay mailabas at mahawakan ng mga mambabasa. Isa pa sa magandang bagay na maidudulot nito ay mas malaki ang posibilidad na magkaroon ng mga parangal. Kadalasan ng mga gawad parangal na ibinibigay sa mga batikang manunulat ay kapag ang kuwentong isinulat ay ilathala o inilimbag sa tradisyonal na pamamaraan.


Bukod sa wala kang ibang gawin kung hindi ang ipasa lamang ang iyong manuskrito, maghihintay ka na lang kung kailan matatapos ang paghahanda upang mailabas na sa masa ang iyong libro. Sa tradisyonal na pamamaraan ng paglathala ng isang libro, asahan mo na marami kang kakompetensyang mga manunulat. Ngunit hindi ka dapat matakot at mangamba dahil kung sa tingin ng mga mambabasa ay maganda ang kuwento na iyong isinulat ay tatangkilikin at bibilhin talaga nila ito.


References:

The Creative Pen

The First Writer

Well-Storied




Comments


bottom of page