top of page

Let The Story Tell Itself: Simpleng Solusyon Sa Writer’s Block

Isa sa mga pinakamahirap na parte ng pagsusulat ang writer’s block. Kahit sinong bihasang manunulat ng iba't ibang panitikan ay nakakaranas pa rin ng kawalan nang pagganyak at nauubusan ng mga naaayong salita. Kung kaya't ito ang aking tanong: bilang isang manunulat, paano ba natin maiiwasan ang epekto ng writer's block?


Ating unang talakayin ang mga karaniwang dahilan ng problemang ito.


Nangunguna sa listahan ang paminsan-minsa'y biglaang pagkalimot natin ng mga salitang nararapat gamitin sa isang sulatin, lalo na sa mga pagkakataon kung saan ang isa'y nagsusulat na nang matagalan at walang paghihinto. Sa gayon, may mga panahon na tayo ay nawawalan na nang gana na tapusin ang kung ano man ang ating nasimulan.


Isang solusyon para maiwasan natin ang kadalasang pagkalimot ng mga salita ay ang pag-alala natin sa natatanging dahilan kung bakit natin sinimulan ang komposisyon na ito. Itanong natin sa ating mga sarili kung ano ang tema na gusto nating ipahiwatig, alalahanin ang layunin ng ating sinulat.


Gayunpaman, hindi pa rin maiiwasan ang pagkawalang-bisa nang ganitong mga teknik at sa mga panahong ganoon, mas mainam na tayo'y mag-isip na lamang ng mga paraan kung paano natin maaabot ang adhikaing itinakda natin para sa ating isinulat. Maaari itong mangyari sa pamamagitan ng pagsulat ng mga bagong eksena o pala-isipan, mga bagong anggulo sa kuwento at iba pa. Paminsan-minsan, nakakatulong din ang pagpapahinga mula sa mahigpit na pagsusulat ng mga banghay at sa halip, hayaan ang kuwento na ihayag ang kanyang sarili sa paraan ng pagsusulat nang kung ano-ano. Sapagkat, 'di hamak na mas mahalaga ang saya na nararanasan mula sa pagsulat at may mga beses na ito lamang pala ang kinakailangan para magkaroon nang matiwasay na isip para matapos ang kung anuman ang ating nasimulan.


Sa katunayan, mahirap ang paglikha ng isang piyesa sa pamamamagitan ng pagsulat. Kaya dapat nating tandaan na bigyan ang ating sarili ng kaunting pagpapahinga. Kapag nawawalan ka ng salita o gana, lumayo ka muna sa iyong gawain, at gamitin ang iyong oras para sa iba pang proyekto. Bumalik ka sa kuwento mo kapag handa ka na, dahil mas mahalaga na ika'y nasisiyahan sa iyong gawain at hindi nahihirapan.


"Let the story tell itself."


Madalas, nakakalimutan natin na ang pinakaimportanteng layunin ng isang manunulat. Ito ay ang maipahiwatig ang kanyang kasiyahan sa paraan ng pagsusulat.


Maniwala ka sa proseso, at hayaan mong umunlad ang iyong kuwento sa tamang oras at salita.




Isinulat ni: Lix Sumilong


Comments


bottom of page